Chapter 8
1Si Jesus ay nagpunta sa Bundok ng mga Olibo. 2Sa pagbubukang-liwayway, siya ay nagpuntang muli sa templo. Ang lahat ng mga tao ay lumapit sa kaniya. Siya ay umupo at tinuruan sila. 3Dinala sa kaniya ng mga guro ng kautusan at ng mga Pariseo ang isang babae na nahuling nangangalunya. Inilagay nila siya sa kalagitnaan. 4Sinabi nila sa kaniya: Guro, ang babaing ito ay nahuli sa paggawa ng pangangalunya. 5Iniutos sa amin ni Moises sa kautusan, na batuhin ang katulad nito. Ano ang masasabi mo? 6Ito ay kanilang sinabi upang subukin siya nang mayroon silang maisakdal laban sa kaniya. Yumukod si Jesus, sumulat sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang daliri. 7Sa patuloy nilang pagtatanong sa kaniya ay tumuwid siya. Sinabi niya sa kanila: Ang sinumang walang kasalanan sa inyo ang siyang maunang bumato sa kaniya. 8Siya ay muling yumukod at sumulat sa lupa. 9Sila na nakarinig nito ay sinumbatan ng kanilang mga budhi. Dahil dito, sila ay isa-isang lumabas, simula sa matatanda hanggang sa kahuli-hulihan. Naiwan si Jesus gayon din ang babae na nakatayo sa kalagitnaan. 10Nang tumuwid si Jesus ay wala siyang nakita maliban sa babae. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ginang, nasaan ang mga nagsasakdal sa iyo? Wala bang humatol sa iyo? 11Sinabi niya: Wala, Ginoo. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kahit ako man ay hindi hahatol sa iyo. Humayo ka at huwag nang magkasala. 12Nang magkagayon, nagsalitang muli si Jesus sa kanila. Sinabi niya: Ako ang ilaw ng sanlibutan. Siya na sumusunod sa akin ay hinding-hindi lalakad sa kadiliman. Siya ay magkakaroon ng ilaw ng buhay. 13Sinabi nga ng mga Pariseo sa kaniya: Nagpapatotoo ka sa iyong sarili. Ang iyong patotoo ay hindi totoo. 14Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Bagamat ako ang nagpapatotoo sa aking sarili, ang patotoo ko naman ay totoo. Ito ay dahil alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15Humahatol kayo ayon sa laman. Wala akong hinahatulang sinuman. 16Ngayong humahatol ako, ang aking hatol ay totoo dahil ako ay hindi nag-iisa. Kasama ko ang aking Ama na nagsugo sa akin. 17Nasusulat din sa inyong kautusan, na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. 18Ako ang isang nagpapatotoo sa aking sarili at ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo tungkol sa akin. 19Sinabi nga nila sa kaniya: Nasaan ang iyong Ama? Sumagot si Jesus: Hindi ninyo ako nakikilala, ni ang aking Ama. Kung nakikilala ninyo ako ay nakikilala rin ninyo ang aking Ama. 20Ang mga salitang ito ay sinabi ni Jesus nang siya ay nagtuturo sa templo. Sila ay nasa silid na pinaglalagyan ng mga kaloob. Walang taong dumakip sa kaniya sapagkat hindi pa dumarating ang kaniyang oras. 21Muling sinabi ni Jesus sa kanila: Ako ay aalis at hahanapin ninyo ako. Kayo ay mamamatay sa inyong mga kasalanan. Hindi kayo makapupunta sa aking pupuntahan. 22Sinabi nga ng mga Judio: Magpapakamatay ba siya kaya niya sinabing, sa aking pupuntahan ay hindi kayo makapupunta? 23Sinabi niya sa kanila: Kayo ay mga taga-ibaba, ako ay taga-itaas. Kayo ay mga taga-sanlibutang ito, ako ay hindi taga-sanlibutan. 24Sinasabi ko nga sa inyo na kayo ay mamamatay sa inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo sumasampalataya na ako nga iyon, mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. 25Sinabi nga nila sa kaniya: Sino ka ba? Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako iyong sinabi ko sa inyo nang pasimula pa. 26Marami akong mga bagay na sasabihin at ihahatol sa inyo. Siya na nagsugo sa akin ay totoo. Kung ano ang narinig ko mula sa kaniya ay sinasabi ko sa sanlibutan. 27Hindi nila naunawaan na ang sinabi niya sa kanila ay tungkol sa Ama. 28Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng tao ay saka ninyo makikilala na ako nga siya. Malalaman ninyo na wala akong ginagawa ng sarili ko. Kung papaano itinuro sa akin ng Ama ay sinasabi ko ang mga bagay na ito. 29Siya na nagsugo sa akin ay kasama ko. Hindi ako iniwang mag-isa ng Ama sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakalulugod sa kaniya. 30Nang sinabi niya ang mga bagay na ito, maraming sumampalataya sa kaniya. Ang mga Anak ni Abraham 31Sinabi nga ni Jesus sa mga Judio na sumampalataya sa kaniya: Kung mananatili kayo sa aking salita, tunay na kayo ay aking mga alagad. 32Malalaman ninyo ang katotohanan at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo. 33Sila ay sumagot sa kaniya: Kami ay binhi ni Abraham at kailanman ay hindi naging alipin ninuman. Papaano mo nasabi na kami ay magiging malaya? 34Sumagot si Jesus sa kanila: Totoong-totoong sinasabi ko sa inyo, ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan. 35Ang alipin ay hindi nananatili sa bahay magpakailanman. Ang anak ay nananatili magpakailanman. 36Kung palalayain nga kayo ng anak, tunay na kayo ay magiging malaya. 37Nalalaman ko na kayo ay binhi ni Abraham ngunit pinagtatangkaan ninyo akong patayin. Ito ay dahil ang aking salita ay walang puwang sa inyo. 38Sinasabi ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama. Ginagawa naman ninyo ang mga bagay na nakita ninyo sa inyong ama. 39Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya: Si Abraham ang aming ama. Sinabi ni Jesus sa kanila: Kung kayo ay mga anak ni Abraham, gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham. 40Ako ngayon ay pinagtatangkaan ninyong patayin. Ako ang taong nagsabi sa inyo ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Ito ay hindi ginawa ni Abraham. 41Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama. Sinabi nga nila sa kaniya: Kami ay hindi ipinanganak sa pakikiapid. Kami ay mayroong isang ama, ang Diyos. 42Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Kung ang Diyos ang inyong Ama, iibigin ninyo ako. Ako ay nagmula at dumating mula sa Diyos. Hindi ako naparito sa aking sarili kundi sinugo niya ako. 43Bakit hindi ninyo nauunawaan ang aking pananalita? Ang dahilan ay hindi kayo makarinig ng aking salita. 44Kayo ay sa inyong ama, ang diyablo. Ang mga nasa ng inyong ama ang nais ninyong gawin. Siya ay mamamatay-tao buhat pa nang una. Siya ay hindi nananatili sa katotohanan sapagkat walang katotohanan sa kaniya. Kapag siya ay nagsasalita ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita sa ganang kaniya. Siya ay sinungaling at ama ng kasinungalingan. 45Dahil nagsasabi ako sa inyo ng katotohanan, hindi kayo sumasampa-lataya sa akin. 46Sino sa inyo ang susumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung ako ay nagsasabi ng katotohanan, bakit hindi kayo sumasampalataya sa akin? 47Siya na nasa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos. Kaya nga hindi kayo nakikinig ay sapagkat hindi kayo sa Diyos. 48Sumagot nga ang mga Judio at sinabi sa kaniya: Hindi ba tama ang aming sinabi na ikaw ay taga-Samaria at mayroong demonyo? 49Sumagot si Jesus: Wala akong demonyo. Pinararangalan ko ang aking Ama at sinisira naman ninyo ang aking karanga-lan. 50Hindi ko hinahangad ang aking karangalan. May isang naghahangad nito at humahatol. 51Totoong-totoong sinasabi ko sa inyo, kung ang sino man ay tutupad ng aking salita ay hinding-hindi makararanas ng kamatayan magpakailanman. 52Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya: Alam na namin ngayon na mayroon kang demonyo. Si Abraham at ang mga propeta ay namatay. Sinasabi mo na kung ang sinuman ay tutupad ng iyong salita ay hindi makararanas ng kamatayan. 53Higit ka bang dakila kaysa aming amang si Abraham? Siya ay namatay na gayon din ang mga propeta. Ano ba ang palagay mo sa iyong sarili? 54Sumagot si Jesus: Kung pinararangalan ko ang aking sarili, ang aking karangalan ay walang kabuluhan. Ang aking Ama ang siyang nagpaparangal sa akin. Siya ang sinasabi ninyong inyong Diyos. 55Hindi ninyo siya kilala ngunit kilala ko siya. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala ay magiging sinungaling ako na tulad ninyo. Kilala ko siya at tinutupad ko ang kaniyang salita. 56Ang inyong amang si Abraham ay nagalak na makita ang aking araw. Nakita niya ito at siya ay natuwa. 57Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya: Wala ka pang limampung taong gulang at nakita mo na si Abraham? 58Sinabi ni Jesus sa kanila: Totoong-totoong sinasabi ko sa inyo, bago pa si Abraham ay ako na. 59Dumampot nga sila ng mga bato upang siya ay batuhin ngunit si Jesus ay nagtago. Sa paglabas niya sa templo ay dumaan siya sa kalagitnaan nila. Nagpatuloy na siya sa paglakad.